00 KATHA
I made a post late August featuring a Philippine indie band, Ben & Ben, and their new album entitled “Pebble House, Vol. 1: Kuwaderno.” Since its release, I can’t get over with how beautiful and meaningful each song is. Ben & Ben is making me feel things, either deep emotions that I relate with or somewhat unfamiliar ones produced out of imaginary situations based on their songs, like really. I also love how they collaborated with other Filipino artists in this album. Because of that, I felt inspired to write a one-shot story of Sugat, their collaboration with another Filipino indie band Muni-muni.
I would also like to announce that I am challenging myself to write at least one literary piece and post it every 7th of the month here – Katha Series. This might be added to the list of things to be anxious about but I’m doing this to get better and that’s what’s important. Right? Here’s to making it happen!
If ever Ben & Ben recognize this story, I— I can’t think of anything sensible to finish that sentence. Anyway, proceed on reading!
It is written in Filipino.
May Simula sa Katapusan
Mabigat ang mga paang nilalakad ni Marissa ang kahabaan ng Espisa. Katamtaman man ang tirik ng araw, mahangin, at tahimik, animo’y nagsisimula nang bumagyo sa loob niya. Hindi niya inaasahang babalik pa siya dito matapos ang limang taon. Ngunit kahit ba na matagal niyang iniwasang harapin ang katotohanan sa likod ng mapang-asar na tanong ng kapatid na si Pilar, siya mismo ay napapagod na.
“Hanggang kailan ka miserable?”
Marahil ay dahil nga sa alak kung bakit tumatabil ang dila nito. Sanay man siyang alagaan ito, hindi niya rin maitatangging iba ang epekto nito sa kanya. Katwiran nga lang niya, hindi naman niya ito kasalanan. Biktima siya ng isang desisyong pinili para sa ikabubuti ng mahal sa buhay.
May pagtataka man sa umpisa kung bakit tila kabisado ng mga paa kung saan siya dadalhin, alam niyang hindi makakalimutan ng isip ang kahit anong detalye tungkol sa destinasyon. Nang makarating dito, bumuga siya ng hangin.
“Sana pala uminom muna ako eh.” Yumuko siya at tiningnan ang lumang sapatos na hangga’t nagagamit pa ay hindi papalitan. Katulad ng siya’y bata pa, hindi makatingin ng diretso si Marissa sa binisita. “Ilang taon na pero… takot pa rin ako sayo.”
Hindi mapakali ang isip ni Marissa. Samu’t saring mga alaala ang bumabalik, ayaw magpadaig sa atensyon at sakit na ipaparamdam sa kanya, na lalong nagpagulo kung paano niya gagawin ang pakay. Noong huling beses kasi na tumayo siya para sa sarili, buhay ang naging kapalit.
“Galit ako sayo.” Buong tapang niyang sagot. “Malinaw naman siguro sa huling pag-uusap natin kung bakit… Ipinasa mo sa akin ‘yung trabaho mo eh. Ako ‘yung anak pero nagpapalaki ng magulang.”
Pinaglaruan ni Marissa ang mga kamay. Nalilito siya kung dapat ba niya itong ituloy o talikuran na lang. Higit kasi sa kokomprontahin niya na namang muli ang kontrabida sa istorya, nasa bahagi na siya ng kaunting udyok na hindi na kailangang pag-usapan pa ito; magpapatuloy na lang siya nang tahimik, puno ng hinanakit, at magbabakasakaling lilipas ang lahat. ‘Yun nga lang, hindi siya magiging masaya – tanging bagay na ninanais niya.
“Ni minsan ba, tuwing umiinom ka, naisip mong may mga anak kang nagugutom?” Huminto siya saglit, hinahayaang dumaloy sa buong katawan ang ipapakawalang damdamin. “Madalas kong tinatanong sa sarili ko, alam mo bang may anak ka? Kilala mo ba kami? O kung kailan kaya darating ‘yung totoong magulang namin kasi matatanggap ko pang maging ampon kaysa manatili sa poder mo.”
“Sinakripisyo ko ‘yung pag-aaral ko, kinabukasan ko, para magdala ng pagkain sa lamesa. Sabi ng teacher ko, matalino raw ako kaya bakit ako hihinto? Eh anong gagawin ko kung hindi lang tatay ko ang nawawala, nanay ko rin.” Kagaya ng mga itinagong alaala, nagsimula nang tumulo ang mga luha ni Marissa. “Lahat ng hirap, pinasok ko. Pero hindi lang trabaho ‘yung mahirap eh, ‘yung mga tao rin sa paligid mo. Akala nila dahil bata lang ako, pwede nilang sabihin kahit ano, pwede akong hawakan kahit saan. May mapagsusumbungan ba ‘ko? Wala. Kasi hindi mo man lang ako tinatanong, pera agad hinihingi mo.”
“Dapat nasa eskwelahan ako eh, hindi nagtatrabaho. Responsibilidad mo ‘yon eh. Sinira mo ‘yung buhay ko. Sinira mo.” May gigil sa bawat binibitawang salita, kasabay ng paglipad ng ilang buhok dala ng hangin, hindi na niya alintana kung may kataasan na ang boses. “Tumanda na ako’t lahat, hindi ka pa rin nagbago. Wala lang kami sayo. Tapos ano?! Bigla ka na lang nagpaalam… sa gitna ng pag-uusap… sa…”
Bumalik ang masalimuot na huling sandali niya kasama ang ina. Tanghalian, sa loob ng kanilang tahanan, sumabog ang isang mainit na diskusyon sa pagitan nilang dalawa. Matapos ang tatlumpung taon na pagtitimpi, nagkaroon ng tapang si Marissa na lumaban. Hindi pa nga lang siya tapos sa pagsasalita, bigla na lang inatake sa puso ang kaniyang ina.
Tumingin si Marissa sa puntod ng ina. Binasa niya sa isip ang pangalan nito. “Kasalanan ko ba? Kasalanan ko ba, Ma?” Napaluhod siya. Binabagabag siya ng konsensya na maaaring hindi na dapat siya nakipagtalo pa, dahil aanhin niya ang pintuang sumagot laban dito kung ang kapalit ay pagsisisi. “Ma… hindi ko na alam. Sorry…”
“Ilang taon na pero hindi ko pa rin nakakalimutan. Wala ka na pero sobrang sakit pa rin kasi bakit biglang gano’n na lang?! Bakit bigla ka na lang aalis?! Gano’n lang ba talaga kami kadaling iwanan?! Pabayaan?!” Nagpatuloy si Marissa sa paghagulgol. Naghahalo ang galit sa ina at sa sarili na pinangingibabawan ng sakit na mananatili niyang papasanin mag-isa. “Galit ako sayo, Ma. Galit na galit ako sayo dahil kahit sa kadulo-dulohan, hindi ka humingi ng tawad…”
“Pero mas galit ako sa sarili ko kasi kahit hindi mo man sabihin, pinapatawad na kita.” Hinawakan ni Marissa ang lapida ng kaniyang ina. Ibinulong niya ang mga salitang dahilan kung bakit siya bumisita. “Pagod na ako, Ma. Pagod na akong dalhin ‘tong galit, sakit, ayoko na. Tama na, Ma. Kung nasaan ka man Ma, tulungan mo ako…”
Lumipas ang mga minuto na nakaupo lang si Marissa sa harap ng puntod. Inilalabas ang mga luhang ilang taon nang inipon. Pumikit siya at ninamnam ang lakas ng hangin. Hindi niya maipaliwanag ang ginhawang naramdaman matapos ang tila saglit na pag-akap sa kanya ng espiritu ng ina. Kahit kailan, hindi niya inakalang luluwag pa pala ang dibdib, na mailalabas pala ang mga hinanakit, at gayong hindi man agarang mapapawi, magsisimula na ang paghilom.
Magaan ang mga paang naglalakad si Marissa palabas ng Espisa. Pababa na ang araw, maingay na ang paligid, at nagsisimula na ring lumamig ang hangin. May kakaibang init ang bumalot sa kaniyang puso. Kay tagal na nang huli niya itong maramdaman – diwa ng buhay. Ngumiti siya sa sarili.
Biglang tumunog ang kaniyang cellphone, tumatawag ang itinuturing niyang biyaya ng nakaraan na walang takot niya na ngayong dadalhin sa hinaharap. Agad itong sinagot ni Marissa. Sinalubong siya nito ng panghihingi ng tawad sa pang-aabala dahil sinabihan niya na itong balak niya mapag-isa. Ngunit agad niya itong pinutol.
“Tapos na akong tumakbo. Rico, magpakasal na tayo.”
—————————————————————————————————–
So, what do you think of this piece? Personally, I am nervous but it’s of the fact of sharing bits of my mind with the world. But please, do leave any comment about this so that I could improve my writing. Also, listen to Ben & Ben’s new album! Beside posting this on my website, I’ll also be posting it on my Wattpad account. Link is on my socials. Thank you for your time.
I hope you had a good read! Slay your day!